Pamilyang pulitikal: dapat bang pagbawalan?

Isang ulat tungkol sa pamilyang pulitikal sa bansa

  ·   2 min read

Ayon sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.”, dito makikita natin na ang tanong na kung “Dapat ba natin pagbawalan ang ‘Political Dynasty?’” ay matagal nang dapat na walang saysay. Ngunit sa kabila nito, mayroon pa ring malawakang paglaganap ng mga makapangyarihan at maimpluwensyang pamilyang politikal sa bawat aspeto ng ating pamahalaan.

Bago tayo dumako sa tanong na kung dapat ba natin pagbawalan ang “political dynasty,” kailangan muna nating sagutin ang tanong na kung ano ba ang nagiging dulot nito. Bilang halimbawa: Sabihin nating naghain ka ng kandidatura sa halalan para sa isang posisyon sa iyong lokal na pamahalaan dala ang halos dalawang-dekadang kasanayan at karanasan sa serbisyong pampubliko. Ngunit sa halip na ikaw ay manalo, nanalo ang kapwa-kandidato mo dahil ka-apelyido niya ang nakaupong mayora sa panahong iyon. Kahit na kulang ang kanyang kasanayan, pinili pa rin siya dahil lamang galing siya sa isang sikat at maimpluwensyang pamilyang pulitikal.

At dito makikita natin ang nagiging dulot ng mga “political dynasty”, ang pagpili base sa apelyido sa halip na kahusayan. Bukod pa dito nagdudulot din ito ng nepotismo, kroniyismo at sa pangkalahatan, pagsasamantala sa iba’t ibang demokratikong institusyon ng bansa. Ang pagtakbo na ngayon sa halalan ay hindi na para sa serbisyo ng nakararami kundi sa serbisyo ng iilan at sa interes ng pamilya mo.

Pero naniniwala din ako na hindi “political dynasty” ang punong-dulot ng lahat ng mga kinakaharap na suliranin ng Pilipinas. Sa halip, isa lamang ito sa libo-libong dulot ng malawakang paglaganap ng sistematikong korapsyon sa Pilipinas. Ang pagbabawal sa “political dynasty” ay walang maidudulot kung talamak pa rin sa korapsyon ang ating pamahalaan. Kung tatalakayin muna natin ito, kusang titigil din ang “political dynasty” sa ating bansa.